IKINASA na ng Land Transportation Office (LTO) ang iskedyul ng renewal ng driver’s license matapos katigan ng Court of Appeals (CA) ang ahensya na magpapahintulot na gamitin muli ang plastic license card.
Kaagad na iniutos ni Atty. Vigor Mendoza II, hepe ng LTO na ihanda na ang proseso ng distribusyon pagkatapos ng Semana Santa na ikinatuwa naman ng mga motorista.
Ipinatigil ng Quezon City Regional Trial Court ang paggamit ng plastic na driver’s license cards at nag-isyu ng preliminary injunction ngunit binaligtad ito ng CA at tinapos ang nasabing pagbabawal.
Batay sa inilabas na pahayag ng LTO, narito ang iskedyul para sa renewal:
- Para sa mga driver’s license na ang expiration date ay mula Abril 1 hanggang Aug. 31, 2023, at Abril 1 hanggang 30, 2024, ang iskedyul ng kanilang renewal ay mula Abril 15 hanggang 30, 2024.
- Para naman sa mga driver’s license na ang expiration date ay mula Setyembre 1 hanggang Disyembre 31, 2023, at Mayo 1 hanggang 31, 2024, ang iskedyul ng kanilang renewal ay mula Mayo 1 hanggang 31, 2024.
- Para sa mga driver’s license na ang expiration date ay mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2024, at Hunyo 1 hanggang 30, 2024, ang iskedyul ng kanilang renewal ay mula Hunyo 1 hanggang 30, 2024.
Ayon pa kay Mensoza, inilabas nila ang nasabing iskedyul sa layuning magkaroon ng maayos na distribusyon ngunit nagbabala na expired ang license ng isa kapag hindi siya nag-renew batay sa inilabas ng iskedyul.
“Gagawin natin ang by schedule na processing at claiming para hindi magsiksikan sa mga LTO offices and eventually magkaroon ng order ang processing at distribution,” ang pahayag ni Mendoza.
Matatandaan na kaya ipinatigil ng korte ang nasabing paggamit ng plastic cards matapos magsampa ng kaso ang natalong bidder na Allcards, Inc. laban sa nanalong Banning Plastic Card, Inc. kung kaya naudlot ang delivery ng 3.2 milyon na natitirang plastic cards noong nakaraang taon.
Nagresulta ito sa backlog ng LTO na umabot sa 4.1 milyon na plastic cards dahil 550,000 ang iniisyu ng ahensya bawat buwan.