DAGDAG-SWELDONG P350 kada araw, hindi lang ₱100.
Ito ang nais mangyari ng Kamara. Ito ay sa harap nang pagpasa kamakailan ng Senado sa ₱100 na dagdag-sweldo kada araw.
Ayon kay House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, “Our workers are enduring tough times, and as their representatives, it is imperative that we find substantial solutions to alleviate their financial burdens.”
Aniya pa, ang mga miyembro ng Kamara ay nagrerekomenda ng dagdag-sweldo mula sa ₱150 – ₱350 kada araw, para matugunan ang tumataas na presyo ng mga bilihin at ang pagbaba ng purchasing power ng piso.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin na possible raw ang ₱350 dagdag-sweldo kapag nabuksan na ang bansa sa mga banyagang mamumuhunan.
Sinabi ng isang observer na dati nang bukas ang bansa sa mga imbestor, katunayan, nakakuha si Pangulong Marcos ng mahigit sa US$14 bilyong investments sa kanyang mga byahe sa ibayong dagat.
Idinagdag pa nito na gusto lamang hikayatin ng mga kongresista ang taong bayan para pumayag sa Charter change at maaprubahan ito sa isang plebisito pagkatapos ng revision ng Konstitusyon.
Ayon sa isang netizen, wala pang anomang pag-aaral tungkol sa probability na kaya ng mga employer ang ₱350 dagdag-sweldo sa mga manggagawa, kahit na ang ₱170 na ipinapanukala ng ibang kongresista. Sa mga lugar na walang bagong foreign investments, tiyak na mapapako lang sa mababa ang kanilang sweldo.