MAGLALABAS ang Metro Manila Council ng isang resolusyon na magre-regulate sa paggamit ng e-bike o electric motor vehicles, lalo na sa mga pangunahing lansangan.
Ayon kay Director Victor Nuñez ng MMDA Traffic Enforcement Group nitong Peb. 23, pag-uusapan pa ang resolusyon sa isang linggo, na magtatakda ng multa at parusa sa sinomang lumalabag.
“Nag-TWG [Technical Working Group] meeting kami last week at halos lahat in unison gusto magkaroon ng tamang regulasyon dito, kasama ang DOTr, LTO, at LTFRB” ayon kay Nuñez sa isang interview sa PTV-4.
“Nakalagay lang kung saan pwede dumaan pero hindi sa pwede dumaan, kapag dumaan sila wala naman concrete penalty na nakalagay.’Yun po ang problema kasi, there’s no definitive fine for them,” Ani Nuñez.
Maraming post sa social media ang nagsasaad nang pagkabahala sa palasak na paggamit ng e-bike kahit na sa highways o national roads na walang anomang protective gears.
Hindi pinapayagan ang ganitong mga sasakyan, pati na tricycles na dumaan sapangunahing kalsada dahil ito ay maaaring magdulot ng panganib o aksidente sa iba pang motorista.
Matatandaang apat ang namatay at lima pa ang nasaktan nang mabangga ang isang tricycle sa highway sa Calamba City noong 2023.
Nauna pa rito, sinabi ni Vigor Mendoza II, hepe ng LTO o Land Transportation Office na kailangang mai-rehistro ang e-bikes at dapat may driver’s license ang mga gagamit nito.