SA layuning paunlarin ang buhay ng mga komunidad ng maralitang taga-lungsod partikular na sa Barangay 157, Caloocan City, nagsagawa ng Mini Caravan ang Presidential Commission for the Urban Poor—Field Operations Division National Capital Region (PCUP-FODNCR) noong Pebrero 14.
Kasama ang Caloocan LGU, patok ang libreng gupit at masahe, sesyon ng pagsasanay sa kabuhayan, kabilang ang paggawa ng tocino at produksyon ng liquid hand soap, na ibinigay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Pagsusuri naman sa mata at ngipin, libreng konsultasyon at gamot ang pinamahalaan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Management entrepreneurship training naman ang ibinigay ng Department of Labor and Employment (DOLE), na nagbibigay ng kaalaman at kasanayan sa mga indibidwal upang simulan at pamahalaan ang kanilang mga negosyo
Sa pakikipagtulungan sa mga nasabing ahensya, nailapit ng PCUP Mini Caravan ang mga mahahalagang serbisyo sa mga taong nangangailangan nito.
Binigyang diin ni PCUP Supervising Commissioner para sa NCR, Hon. Reynaldo P. Galupo, ang pangako sa pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo at patuloy na pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga maralitang tagalungsod.
Sa kabilang banda, ipinaabot ni Kapitan Danilo Singh ang kanyang pasasalamat sa PCUP at lahat ng mga kalahok na ahensya para sa kanilang sama-samang pagsisikap sa pagdadala ng mahahalagang serbisyo para sa kanyang nasasakupang barangay.
Ang kabuuan ng PCUP ay nasa ilalim ng pamamahala ni Chairperson at Chief Executive Officer, Undersecretary Elpidio R. Jordan, Jr. na may mandato na magsilbi bilang direktang ugnay ng maralitang tagalungsod sa gobyerno sa ilalim ng Executive Order No. 82.