Nominasyon sa 2 visual artist para maging national artist ikakasa ng Angono LGU

0
Nominasyon sa 2 visual artist para maging national artist ikakasa ng Angono LGU

IKAKASA ng lokal na pamahalaan ng Angono sa lalawigan ng Rizal ang nominasyon sa dalawang visual artist nito upang maging national artist.

Ayon kay Mayor Jeri Mar Calderon, inaprubahan na ng Sangguniang Bayan ang resolusyon nito kaugnay sa nominasyon ni Nemesio B. Miranda, Jr bilang national artist for visual arts.

Sa kasalukuyan, mayroon nang dalawang national artist mula sa bayan ng Angono na kinilala ng National Commission for Culture and the Arts.

“Patunay lamang ito na ang Angono ay mayaman sa pamanang sining,” ang pahayag ni Calderon.

“Ang aming bayan ay nakapagluwal na ng dalawang national artist na sina Lucio San Pedro para sa musika at Carlos “Botong” Francisco para sa visual arts,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi pa ni Calderon na kapag nagtagumpay ang dalawa pa nilang nominado, malaking karangalan ito para sa kanilang bayan na magkaroon ng apat na National Artist.

Kasama sa isa pang nominado ay ang visual artist na si Jose Blanco na ayon sa alkalde ay pumanaw na noong 2008, ngunit ang pamana nitong mga mural-sized na likhang sining ay kadalasang batay sa mga kapiyestahan ng Angono.

Samantala, si Miranda—na aktibo pa rin sa kaniyang piniling larangan—ay kilala sa kahusayan nito sa kaniyang mga ipinipinta at inuukit na mga iskultura.

Isa rin si Miranda sa mga dahilan kung kaya ang bayan ng Angono ay maituturing na “Artist Village” at sa dakong huli ay ang pagiging Art Capital ng Pilipinas.

About Author

Show comments

Exit mobile version