Sindikato nasa likod ng inokupahang lote, ayon kay Mayor Vico

0
4 katao dinampot ng Pasig Action Line 5 katao dinampot ng Pasig Action Line sa inokupahang lupain sa Brgy. Pinagbuhatan (Screen grab mula sa BRABO News)

ITO ang tiniyak ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa komento nito sa isang viral video kung saan 4 katao ang dinampot ng Action Line sa isang dispersal operation, pasado alas-2 ng hapon, Pebrero 26.

Ang Action Line ay isang division sa ilalim ng Peace and Order department ng Pasig LGU na may pangunahing papel sa pagsasaayos ng mga bangketa at iligal na umuukopa sa lupain na pag-aari ng lokal na pamahalaan.

Sa nasabing viral video, inukopa ng higit sa 20 katao ang isang bahagi ng lupain sa gilid ng City Jail at nagtayo pa ng tent at barikada.

Ikinatuwiran ng mga ito na pinagbigyan nila ang noo’y hamon ng Action Line na magsampa sila ng kaso sa korte at patunayan na kanila ang lote.

Batay sa sinabi ng mga umuukopa, hindi umano sumipot ang mga kinatawan ng LGU sa hearing sa korte maging hanggang sa Department of Justice (DOJ).

Nakakuha ng mga dokumento ang BRABO News kung saan nakasaad dito na nabili na ng LGU ang nasabing lupain sa halagang P142-M mula sa mga tagapagmana (heirs) ng pamilya Dela Paz.

Ayon pa kay Sotto, hindi umano buo ang kuwento sa nasabing video dahil may mga dahilan kung bakit inaresto ang mga ito.

“Kaya po sila naaresto at nakasuhan dahil nanakit po silamay nangalmot, nanulak, at nangagat pa nga. Hindi po sila dyan nakatira,” pahayag ni Sotto.

“Alam ng mga taga-Nagpayong na walang residente sa bakanteng lote na yan. Meron po talagang sindikato. May mga papeles silang ipinapakita para [i]-mislead ang mga tao,” dagdag pa ng alkalde.

Giit pa ni Sotto, may mga nagbebenta umano ng lupa na hindi naman sa kanila sa halagang P15,000 para sa lote na hindi naman pag-aari ng nagbebenta.

“Pag tiningnan mo ang basehan ng sindikato sa claim nila ay halos buong Pilipinas ang nasa mapa nila,” ayon pa sa punong lungsod.

Bagama’t binili na ng Pasig LGU ang sabing lupain, hurisdiksyon pa rin ng Taguig City ang nasabing lugar kung kaya’t ipinasa ng Pasig PNP sa Taguig PNP ang mga dinampot.

Ayon sa report, kinilala ni PCol. Joey Goforth, chief of police ng Taguig City ang mga naaresto na sina Edgar Malate, Noel Salvador, Jovie Lagon at Elda Malate kung saan pinoproseso na ang inquest proceedings.

About Author

Show comments

Exit mobile version