IDUDULOG ng Senado sa Korte Suprema o Supreme Court (SC) ang PI o people’s
initiative na isinusulong ng Kamara.
Ito ang pahayag ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, kahapon, Enero 25.
Idinagdag ni Pimentel na plano ng Senado na maghain ng petisyon sa SC o Commission
on Elections (Comelec) para mapigilan ang signature campaign para sa PI para maamyendahan ang 1987 Constitution.
Nang tanungin tungkol sa detalye ng aksyong legal, sinabi niya na pwedeng kwestyunin ang Comelec sa pagtanggap ng mga lagda mula sa hindi kilalang mga tao at gawin ang ministerial na tungkulin nito na bilangin ang bawat lagda.
Ayon sa isang observer, dapat sana may digital picture at photocopy ng Comelec- issued I.D. cards ang bawat lagda para agad makumpirma ang pagkakakilanlan ng bawat botanteng lumagda.
Ayon pa kay Pimentel, maaaring ihain sa Comelec ang petisyon para patigilin ito sa
pagbilang ng mga lagda sa PI.
Magpupulong daw ngayong weekend ang mga senador para magplano at bigyan nang
“finishing touches” ang petisyon.
Samantala, magkahiwalay na nakipagpulong kahapon — sa isang executive session —
si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga senador at kongresista.
Nakipagpulong muna ang Pangulo kina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate
President Pro Tempore Loren Legarda, Senators Joel Villanueva, JV Ejercito, Sonny
Angara, Grace Poe, Pia Cayetano, Sherwin Gatchalian, Mark Villar, at Imee Marcos,
bago siya nakipagpulong sa contigent ng Kamara.
Mukhang nais ayusin ni Marcos ang tila “Constitutional crisis” na ikinababahala ng
mga senador dahil sa maigting na suporta ng mga kongresista sa PI bilang paraan nang
pag-amyenda sa Konstitusyon. Kapag naipatupad ito, mawawalan ng boses ang
Senado sa Cha-Cha.