ITO ang tinuran ng negosyanteng si Selwyn Lao, may-ari ng Wing An Resort sa loob ng Multinational Village sa Parañaque City, kung saan sa kaniya isinisisi ng mga nakatira sa palibot ang matinding pagbaha dulot ng malakas na ulan.
Ayon pa kay Lao, tinambakan umano ng Camella Homes Subdivision ang orihinal na creek at ginawa itong subdivision lot.
Bunga nito, wala nang madaluyan ang tubig kung kaya umaapaw ito at itinuturo naman ng dalawang barangay na nakakasakop sa nasabing creek at ng mismong LGU na ang dahilan ng nasabing pagbaha ay ang paglalagay ng malalaking tipak ng bato sa ilalim ng resort ng negosyante.
Matatandaan na nagtulung-tulong kamakailan ang apektadong mga residente at inalis ang mga di-umano’y iniharang ni Lao sa kaniyang resort.
Ngunit iginiit ng negosyante na may mga dokumento siya na magpapatunay na ang kaniyang lote ay nasa labas ng creek at ipinakita na umano niya ito sa mga ahensiya ng pamahalaan ngunit hindi ito pinansin.
Dagdag pa ni Lao, kaya tikom aniya ang bibig ng city hall, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang ahensiya dahil mga Villar umano ang sangkot sa nasabing usapin.
Isiniwalat pa ng negosyante na kamakailan lang ay nakatanggap siya ng email mula kay Chairman Doc Jemelene “Jem” Qui ng Barangay Moonwalk at hinihiling ng huli na magkita umano sila at mag-usap na silang dalawa lamang.
“Mr. Lao, we can talk, you have no problem Mr. Lao, you probably know what I mean. Mr. Lao, what do you think? I think this is a good idea. Palalabasin natin na property nyo na din yung natambakan,” ang sinabi ni Qui sa email.
Giit pa ni Lao, ang national government dapat—DENR at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)—ang magre-resolba ng matagal ng usapin na ito at hindi ang barangay.
“Bakit siya humihiling ng palihim na negosasyon?” tanong pa ni Lao.
“Bakit hindi nila kausapin ang Camella Homes at ang mga Villar,” dagdag pa ng negosyante.
“Kung hindi lalantad at aakuin ng mga Villar ang problema, hindi ito maso-solusyunan,” ayon pa kay Lao.
Sumulat na umano ang negosyante kay Qui ngunit wala pa ring reply ang huli hanggang sa ginagawa ang balitang ito.
Bukas naman ang BRABO News sa mga Villar at Qui sa anumang pahayag o kung nais nilang pasinungalingan ang mga alegasyon ng negosyante.