Transport strike tagumpay, ayon sa Piston; MMDA ‘di sang-ayon

0
Idinagdag pa ng ahensya na kaya hindi nagtagumpay ang Manibela ay dahil sa nakipagtulungan sa kanila ang lahat ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng paglalaan ng mga ito ng mga sasakyang pag-aari ng LGU.

UMABOT lamang sa tatlong araw ang planong isang linggong tigil pasada na ikinasa ng grupong Manibela, isang koalisyon ng mga public utility vehicle (PUV) na kinabibilangan ng Piston at iba pa.

Ayon kay Mar Valbuena, chairman ng nasabing koalisyon, nagdesisyon sila na ihinto na sa ikatlong araw ang transport strike upang masimulan [uli] ang diskurso.

Napag-alaman na nakipagpulong si Valbuena sa Palasyo, Martes ng gabi, kasama si Mody Floranda, presidente ng Piston.

Sa isang press conference, sinabi ni Floranda na tinalakay sa kanilang pag-uusap sa opisina ng Executive Secretary ang may kinalaman sa muling pagrebisa sa Omnibus Franchising Guidelines na inilabas noong 2017.

“Ang dalawang araw na transport strike ay sinasabi nga nating matagumpay,” ani Floranda

“Nasa nasa 80% hanggang 100% naparalisa ang ilang mga ruta sa Kalakhang Maynila sa unang araw at nasa halos 80% naman na paralisado sa ikalawang araw ng tigil-pasada,” dagdag pa ni Floranda.

Batay sa kanilang monitoring, wala na umanong public transport sa Cogeo sa Antipolo, San Mateo sa Rizal Province, Novaliches, gayundin sa Philcoa, Quezon City at Monumento sa Caloocan City.

Ganun din umano ang nangyari sa Cebu, Bacolod, Davao at Panay Island.

Mariin namang tinutulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang naging pahayag ng Manibela.

Ayon sa monitoring ng ahensya, naging normal na di-umano ang mga biyahe sa mga pangunahing ruta sa ikalawang araw ng tigil pasada maliban na lamang sa ilang lugar kung saan pilit na hinaharang ng mga nagpo-protesta ang mga jeep na bumibiyahe at nasa mga terminal.

Ang tinutukoy ng MMDA ay ang ginawang pagharang ng mga kasali sa protesta sa mga jeep sa may Heritage sa Baclaran, Old Terminal sa Alabang, kahabaan ng St. Francis at Catmon sa Malabon at Caloocan City partikular na sa Monumento area.

Idinagdag pa ng ahensya na kaya hindi nagtagumpay ang Manibela ay dahil sa nakipagtulungan sa kanila ang lahat ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng paglalaan ng mga ito ng mga sasakyang pag-aari ng LGU.

Samantala, marami ng LGU ang nag-anunsyo na balik-eskuwela na bukas, araw ng Huwebes ang mga estudyante sa lahat ng antas bunga na rin ng pahayag ng mga nagprotesta na balik biyahe na rin bukas ang kanilang mga miyembro.

About Author

Show comments

Exit mobile version