Natitirang mga pasugalan sa Pasig ipinasara, kinastigo ni Mayor Vico

0
Natitirang mga pasugalan sa Pasig ipinasara, kinastigo ni Mayor Vico (Photo Mayor Vico Sotto FB Page)

LABING-WALO sa 23 natitirang mga pasugalan sa Lungsod ng Pasig ang tuluyan nang ipinasara ni Mayor Vico Sotto dahil sa wala itong kaukulang business permit.

“Gaya ng alam ninyo, nagkaroon tayo ng isang ordinansa na iniakda ito ni Konsehal Simon [Tantoco] at sinuportahan ng halos lahat ng mga konsehal natin, para ipasara na ang mga gambling establishments sa Lungsod ng Pasig,” pahayag ni Sotto kaninang umaga sa flag raising ceremony.

Ang tinutukoy ng alkalde na mga pasugalan ay ang POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) na nauna na umanong umalis noong nakaraang taon pa, mga physical establishments ng e-games, e-binggo at iba pang kahalintulad na sugal.

“Alam naman natin na walang magandang naidudulot ito sa ating lipunan. Kaya kung wala itong magandang naidudulot sa ating lipunan, tanggalin na lang natin sila sa lungsod ng Pasig,” dagdag pa ni Mayor Vico.

Ayon pa sa punong-lungsod: “Nag-expire po ang kanilang mga business permit noong December 31, 2023. January 1, 2024 nagsimula ang renewal period natin, hindi na po sila nakakuha ng permit.”

“Pero hanggang Pebrero, 18 sa kanila, out of 23 ay patuloy pa rin na nago-operate. So alam nilang wala silang permit, alam nilang may ordinansa na tayo para pagbawalan sila, para magsara na sila, pero makakapal po ang mukha. Tuloy-tuloy po silang nag-operate,” kastigo sa kanila ni Sotto.

Giit pa ng alkalde na binigyan na ng kaniyang pamunuan ang mga pasugalan ng pagkakataon na magkusa nang magsi-alisan ang mga ito ngunit ipinagpatuloy pa rin ang kanilang operasyon.

“Kinausap na natin sila, kinausap na namin sila nina Vice [Mayor]. So alam naman nila na wala na silang permit. Kung ikaw negosyante ka [at] wala kang permit magsasara o mag-closed shop ka na,” pagtatapos ni Sotto.

About Author

Show comments

Exit mobile version