Belgica nanawagan ng Con-Con forum

0
Si Greco Belgica, dating chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC)

NANAWAGAN ng isang Constitutional Convention (Con-Con) forum ang dating anti-corruption czar na si Greco Belgica upang mailatag ang isang balangkas sa pag-amyenda ng konstitusyon na magbibigay pansin sa kasalukuyang pangangailangan ng mga Pilipino.

Sa isang pahayag, sinabi ng dating chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa panahon ni pangulong Rodrigo Duterte, kasama ang iba pang grupo, na kailangang pagtuunan din ng pansin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagkaisahin na ang dalawang Kapulungan ng Kongreso para sa Con-Con.

“Wala pa ring tugon ang pangulo, kaya kami ay muling nananawagan na mangalap na ng mga kinatawan mula sa bawat lalawigan upang makibahagi sa nasabing forum o pagtitipon,” ang sabi ni Belgica.

“Nakikiusap din kami sa mga iginagalang na kinatawan ng bawat probinsiya na bumuo na ng isang balangkas ng konstitusyon na wastong naglalarawan sa tunay na pangangailangan ng ating mga kababayan lalo na pagdating sa kalayaan, limitadong pamamahala, pederalismo, soberanya, demokrasya at iba pang adhikain ng mga tagapagtatag ng ating bansa,” dagdag pa ni Belgica.

Idinagdag pa ng dating anti-corruption czar na ang nirebisang Konstitusyon ay dapat na malinaw na magsasaad na limitado ang magiging kapangyarihan ng estado, at titiyakin na yaong mga pinagkatiwalaang mamumuno ay nakababatid sa limitasyong ito.

“Kailangan natin ang isang Konstitusyon na malayang naipapahayag ng mga nasasakupan kung ano ang prinsipyo na nakapaloob sa demokrasyang pamamahala, karapatan sa buhay, ari-arian, pamumuhunan, pederalismo, limitadong kapangyarihan, checks and balances, taxation without representation, and review the over-regulation to the economy that is crippling trade and commerce, resulting in poverty and deprivation,” giit pa ni Belgica.

Ayon kay Belgica, kailangang makabuo na ng bagong Konstitusyon sa gaganaping forum upang sabay itong maiharap kapuwa sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso pati na rin sa Opisina ng Pangulo.

Ang panawagang ito ni Belgica ay kasunod ng kamakailang pagpasa ng tinatawag na Resolution of Both Houses (RBH) 7, isang resolusyon na magpapahintulot sa Kongreso at Senado na gumawa ng amyenda sa kasalukuyang Konstitusyon ngunit limitado lamang sa probisyong pang-ekonomiya at hiwalay na pagbobotohan ng bawat kapulungan.

Ngunit para kay Belgica, bagama’t kinikilala niya ang pangangailangan na amyendahan ang Konstitusyon, ang RBH 7 ay hindi tuwirang nakasaad sa Konstitusyon kaya tiyak aniya na may kukuwestiyon nito sa Korte Suprema.

About Author

Show comments

Exit mobile version