2 dating kaalyadong pulitiko ni Mayor Vico, kumalas na

0
Kumalas na si city councilor aspirant Bobby Hapin (R) na tatakbong independiyente at Ram Cruz ng Liberal Party sa pagsuporta kay Mayor Vico. Ang dalawa ay dating masugid na taga-suporta ng alkalde.

DISMAYADO na ang dalawang dating mga kaalyadong pulitiko ni Pasig City Mayor Vico Sotto at dapat anilang asahan na ang kanilang pagkalas ay una lamang sa ibang nagbabalak pang kumalas.

Sa isang panayam, sinabi nina Ram Cruz at Bobby Hapin na ang pagkadismaya nila ay bunsod umano ng mga napakong pangako ni Sotto nang una itong tumakbo noong 2019.

Sinabi ni Cruz na kung paanong pangunahin sa “Big 5 Agenda” ni Sotto ang kalusugan, pangunahin din aniyang problema sa mga health center sa Pasig ang kakulangan ng mga gamot at serbisyo medikal.

“Ipinangangalandakan ni Mayor Vico na “zero billing” daw sa Pasig City General Hospital (PCGH) kapag Pasigueño ang na-ospital. Hindi totoo ‘yan,” giit pa ni Cruz.

“Kasi maliban sa wala na ngang suplay ng gamot sa loob ng ospital, sa labas ka pa o ibang medical hub magpapa-laboratory, kaya maglalabas ka pa rin ng pera,” dagdag pa ni Cruz na naglingkod bilang barangay kagawad at acting punong barangay.

Ayon naman kay Hapin, ikalawa sa pangako ni Sotto ang pabahay, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring naipapatayo kahit isang haligi man lamang.

“Ang dami na niyang inilabas sa social media na may nakatayong pabahay, hanggang dun lang. Isang termino na lang siya pero puro “drawing” lang ika nga,” saad pa ng dati ring kagawad.

Idinagdag pa ni Hapin na sa mga karatig lungsod, nagagamit na ng mga mag-aaral ang mga libreng school supplies at uniporme, pero sa Pasig, magsusukat pa lang ng size ng sapatos at maya-maya ay magbabakasyon na ang mga bata.

Sinabi pa nina Hapin at Cruz na champion umano si Sotto sa anti-corruption pero kapag sangkot sa anomalya ang mga tauhan nito sa city hall, na hindi Pasigueño ay pinagre-resign na lang.

Paawa-effect din umano si Mayor Vico na biktima siya ng trolls, pero hindi nito maipaliwanag ang kamakailan lang na natuklasang troll army ni Philip Camposano, chief political adviser sa Administrator’s Office, na pinag-resign din kamakailan lang.

Giit pa ng dalawang pulitiko na ang pagkadismaya ng mga taga-suporta ay kagagawan din umano ng alkalde dahil hindi ito marunong makisama sa ordinaryong mga Pasigueño.

Ipinagmamalaking sinabi ni Cruz na isinakripisyo niya ang maraming bagay para suportahan si Sotto noong 2019 para labanan ang mga Eusebio, ngunit parang wala rin umanong nangyari dahil numero uno na ring benggador ngayon ang alkalde.

Hirit naman ni Hapin na siya lang at si Kiko Rustia ang naglakas-loob na lumantad at sumama sa laban ni Sotto laban sa mga Eusebio, ngunit noong 2022 si Rustia lang ang isinama niya sa tiket at pinaasa lamang siya nito.

Ngunit nilinaw ng dalawa na ang kanilang pagbaliktad ay hindi nangangahulugan na aanib na sila sa kalaban ni Sotto dahil sila ay mananatiling independiyenteng kandidato bilang mga city councilor.

About Author

Show comments

Exit mobile version