PINAAPURA na ni House Speaker Martin Romualdez ang dagdag-discount sa senior citizens at persons with disability (PWDs) sa supermarkets at groceries.
Ito’y iniutos ni Romualdez kamakailan matapos maghain si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ng panukala na gawing ₱125 bawat linggo o ₱500 bawat buwan ang discount sa bawat sektor na ito.
Umaabot lamang sa ₱65 bawat linggo o ₱260 bawat buwan ang natatanggap ng discount ng sector na ito sa piling grocery items na binibili nila.
“Kaya itong gawin agad kahit next month [Marso] dahil isang memorandum circular lang naman ng DTI ang kailangan para ibaba sa lahat ng grocery stores at supermarkets,” ayon sa Speaker.
Ipinabatid ni Department of Trade and Industry (DTI} Asec. Amanda Nograles na isinaayos na ng kanilang tanggapan ang isang Inter-Agency Committee circular para matugunan kaagad ang hiling ng Speaker.
“Aside sa ₱125 discount, pinatitingnan ko na rin kay Cong. Salceda kung ano pa ang pwedeng maibibigay na tulong sa mga seniors at PWDs natin… It’s high time siguro na balikan natin ang batas na ito na 2010 pa naipasa… dahil hindi na ito angkop sa panahon ngayon,” aniya pa.