NBI, pasok sa paluwagan scam sa Pasig

0
Sina Atty. Joel Tuvera, Assistant Regional Director ng NBI-NCR at Pasig City Mayor Vico Sotto.

PUMASOK na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nabistong ‘paluwagan scam’ sa Pasig City para magsagawa ng imbestigasyon kasama ang lokal na pamahalaan at makapagsampa ng kaukulang kaso laban sa di-umano’y mag-asawang scammer na sina Rouhanie Velasco at Jester Gendrano.

Nababahala na rin si Pasig City Mayor Vico Sotto sa dumadaming indibiduwal na lumalapit sa kaniyang tanggapan upang humiling ng tulong na madakip ang mastermind sa nasabing ‘paluwagan scam.’

Ayon kay Sotto, nakipag-ugnayan na sila sa owner at operator ng umano’y “paluwagan scam” na ibalik na lamang ang naihulog ng mga nagrereklamong biktima ng BNY PAL ngunit wala umano itong positibong tugon kung kaya dinala na nila sa NBI ang usaping ito.

Nabatid na posible umanong umabot sa ₱1-B mula sa ilang investors ang nakulembat ng nasabing kumpanya kaya nababahala si Mayor Vico Sotto at nagpasyang humingi na ng tulong sa NBI at media na nagresulta sa pagpapatawag nito ng press conference na ginanap sa Pasig City Hall mismo.

Isa-isa namang kinakausap ng city legal office sa pangunguna ng hepe nito na si Atty. Jo Lati ang mga di-umano’y biktima at hinihingan ng mga dokumento dahil tinakbuhan na umano sila ng mag-asawa.

Sinabi naman ni Atty. Joel Tuvera, Assistant Regional Director ng NBI-NCR, na patuloy na magsasagawa ng imbestigasyon ang kanilang ahensya at isasampa ang reklamo laban sa lumalalang paluwagan scam.

Matatandaan na noong December 2023, ibinasura ng Pasig City local government unit (LGU) ang permit ng BNYPal na matatagpuan sa Barangay Sagad, matapos mapag-alaman na namamayagpag ang kumpanya sa hindi otorisadong pagpapautang at may investment scheme, sa kabila na deklarado ito  bilang wholesaler at trading kanilang negosyo.

Ayon sa ilang nabiktima, pinangakuan umano sila ng may-ari na babayaran noong December 14 subalit hanggang ngayong January 2024 na ay wala pa rin kaya humingi na sila ng tulong kay Mayor Vico Sotto.

Sasampahan nila ng kasong estafa ang may-ari at mga kasabwat sa scam.

Nabatid rin ng BRABO News na may ilang politiko na naging biktima umano ng nasabing paluwagan scam ngunit dahil sa nakapagsampa na sila ng hiwalay na reklamo at nasa korte na ang kaso kung kaya minabuti na lamang nila na hindi magbigay ng pahayag.

About Author

Show comments

Exit mobile version