KINUWESTIYON ng isang negosyante ang plano ng lokal na pamahalaang lunsod ng Pasig kaugnay sa ipapatayong city hall campus nito na pinondohan ng ₱9.6 bilyon.
Sa liham ni Curlee Discaya ng St. Gerrard Charity Foundation, sinabi nito kay Pasig City Mayor Vico Sotto na kahina-hinala at nakakagulat ang inilaang presyo sa magarbong pagpapatayo ng city hall campus kung saan mas marami pa umanong pangangailangan ang mapaglalaanan ng budget na para sana sa pagpapalakas ng health services at education programs.
Hinikayat ni Discaya si Sotto na muling pag-aralan ang proyekto na maaari namang mabawasan at gawing ₱3.2 bilyon na lamang para sa bagong disenyo nang sa ganoon ay magamit ang natitirang pondo na ₱6.4-B sa iba pang mas kailangan na serbisyo.
“Ang matitipid na pondo ay para sa pangangailangan ng mas nakararaming Pasigueño para sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon ng mga bata at iba pang social services ay hindi makakahadlang sa pinapangarap ninyong proyekto,” paliwanag ni Discaya.
“Isa pa, sa ₱3.2 bilyong halaga ng nasabing proyekto ay matutupad pa rin naman ang ninanais ninyong moderno at kahanga-hangang disenyo ng bagong city hall campus,” dagdag pa ng negosyante.
Bilang isang kontraktor, sinabi ni Discaya na maaaring mapababa pa ang price assessment para sa vertical construction ng horizontal development na pinondohan ng ₱9.6 bilyon para sa 46,000 metro kuwadradong city hall campus kung saan ang ₱209,197 bawat metro kuwadrado ay sobra-sobra sa ginawang regular cost estimate.
“Alam ito ng sinumang nais magpatayo ng malalaking gusali, arkitekto ka man o inhenyero, na hindi dapat lumagpas sa ₱70,000 bawat metro kwadrado ang halaga ng lupa kasama na ang matataas na uri at mamahaling materyales,” ayon pa sa pilantropo
Suportado ni Discaya ang nasabing proyekto ni Sotto kaya nag-alok ito ng detailed and preliminary engineering design na baka sakaling magustuhan ng alkalde ay makapagtayo ng bagong konsepto ang lokal na pamahalaan sa mas mababang halaga.
Matatandaan na noong Hunyo 2, 2023, ibinalita ni Sotto sa naganap na 450th founding anniversary ng Pasig ang kanyang planong pagpapatayo ng new city hall campus project na bahagi ng 10-year comprehensive plan at lagpas sa kanyang nine-year limit o 3rd term.
Iginiit pa ni Sotto na ang itatayong campus ay transparent, well-planned at “future proof” sa kabila ng nakitaang mataas na halaga ng pondo na ₱9.6-billion budget na lubhang sagad sa presyo.