KASADO na ang official state visit sa Pilipinas ni Indonesian President Joko Widodo sa darating na January 9 hanggang 11.
Ayon sa Presidential Communications Office, inaasahan na magiging sentro ng pagpupulong nina PBBM at President Widodo sa January 10 ang pagsusuri sa progreso ng ugnayan ng magkabilang panig, na bunga ng matagumpay na pagbisita ni Pangulong Marcos sa Indonesia noong September 4 hanggang 6, 2022.
Sinasabing iikot din ang diskusyon sa pagpapatibay ng pangako ng dalawang lider na palalimin at palawakin pa ang ugnayan ng dalawang ASEAN countries.
Ang tatlong araw na state visit ni Widodo ay magaganap ilang buwan bago ang ika-75 anibersaryo ng opisyal na ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Indonesia sa Nobyembre ngayong taon.
Maliban dito, inaasahang mas palalakasin din ng pagpupulong ang bilateral na ugnayan ng dalawang bansa na magbubuklod sa patuloy na kooperasyon sa mga darating na taon.