Posibleng mawalan ng kapayapaan at pagkakaisa sa sektor ng transportasyon sakaling ipilit ng gobyerno ang consolidation ng mga lumang jeepneys para sa tuluyang implementasyon ng PUV modernization program.
Ito ang ibinabala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, kasabay nang paggiit na hindi pa hinog o hindi pa handa ang naturang programa, kaya’t mainam aniya na huwag munang ituloy ng Department of Transportation ang implementasyon nito.
Paliwanag ng senador, sa ilalim ng programa ay kailangan pa ring umutang ng mga driver at operator kahit pa may maliit na bahagi rito na sasagutin ng gobyerno.
Iginiit pa ng Senate Minority Leader na isa sa kahinaan ng programa ay ang reklamo ng mga PUV driver at operator na hindi sila kinonsulta at hindi naipaliwanag sa kanila nang maayos ang proseso o magiging sistema nito, dahil ang kasalukuyang sistema na alam nila ay papasada sila araw-araw at tiyak ang cash flow o kita.
Bukod dito, problema pa rin aniya ang route rationalization na hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasa-ayos at posibleng nagkasanga-sanga na at hindi pa na-i-a-akma sa kasalukuyang programa.