“No registration, No Travel”.
Tiniyak ito ng Land Transportation Office (LTO) matapos nitong utusan ang lahat ng
regional offices sa buong bansa na ipatupad ang polisiyang ito, matapos ang
Kapaskuhan.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, dapat na raw magparehistro ang lahat nang hindi
rehistradong sasakyan para maiwasan ang abala, sakaling magmamaneho sila sa
susunod na linggo at mahuli ng kanilang operatiba.
Nahaharap ang bawat motorista sa multang ₱10,000 kapag nahuli ng LTO o kahit sinong
deputized na traffic enforcer, saan mang panig ng bansa.
Sinabi pa ni Mendoza na sa susunod na linggo, muli nilang sisimulan ang mahigpit na
pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy sa buong bansa. Hindi na raw sila
mag-i-isyu ng babala. Kaya umaapela ang LTO sa lahat ng delingkwenteng may-ari ng
sasakyan na kaagad itong iparehistro para maiwasan ang malaking multa at abala.
Umabot na sa 24.7 milyong mga sasakyan, na karamihan ay motorsiklo, ang hindi
rehistrado.
Matatandaang naging maluwag ang ahensya nitong Kapaskuhan sa mga delinkwenteng
may-ari ng sasakyan, sa pamamagitan nang pag-i-isyu ng warning.
Mahalaga raw ang pagpaparehistro ayon kay Mendoza, dahil ito ang paraan para
matiyak na ang bawat sasakyan sa kalsada ay dumaan sa safety check ng LTO at ligtas
gamitin sa kalsada.
“Our determination to have all these delinquent motor vehicles registered is primarily
about safety for all road users,” aniya pa.