Ipinatitigil ng Toyota Motor Co., (TMC) Japan nitong Miyerkules ang shipment ng lahat ng yunitm ng Daihatsu matapos madiskubre ang pandaraya sa resulta ng safety tests.
Sakop ng utos ang lahat ng shipment para sa overseas order pati na rin sa buong Japan.
Ang TMC ang may-ari ng Daihatsu matapos nitong mabili ang kumpanya noong 2016.
Inaasahang lalabas ang resulta ng independent panel na nagsagawa ng imbestigasyon para malaman kung dinaya nga ang resulta ng safety tests para makatipid.
Sinabi ng Asahi Newspaper na natagpuang nandaya ang Daihatsu sa safety tests sa halos lahat ng mga kasalukuyang modelo nito, pati na rin mga naunang modelo noon.
Inaasahang mahigit sa anim na modelong nauna nang iniulat na sangkot sa iskandalo sa safety ang madaragdagan pa.
Inamin ng Daihatsu noong Abril na dinoktor nito ang resulta ng collision safety tests na ginawa sa halos 88,000 na maliliit na kotse na ibinenta sa ilalim ng Toyota brand.
Napag-alaman na lamang ng Daihatsu ang pandaraya matapos na kumanta ang isang whistleblower at inireport sa media.
Hindi malinaw kung kasali ang mga lumang model ng Daihatsu Charade at mini van na ibenenta sa Pilipinas.