INIANUNSYO ng Department of Foreign Affairs (DFA) na posibleng makalabas ngayong araw
mula sa Gaza Strip ang 20 Pilipino, gamit ang Rafah Crossing.
Ayon kay USec. Eduardo de Vega, “Ang unang batch ng mga Pilipino [ay] aalis na bukas…
There will be 20 of them…Pagkatapos ay maaaring sa susunod na araw o sa susunod na
dalawang araw, isang batch ng 23… sa ngayon ay 43 na lang sa mga Pilipino ang nagpahiwatig
na talagang gusto nilang umalis sa Gaza.”
Susunduin ng Embahada ng Pilipinas sa Cairo ang 43 Pinoy kapag sila’y nakatawid na sa
crossing at nakarating na sa Egypt. Dahil transit visa lamang ang dala nila, kailangang
makaalis sila sa Egypt sa loob lamang ng 72 oras.
Ayon sa report ng DFA, inabusuhan na ng Israel ang gobyerno ng Pilipinas na nabigyan na ng
clearance ang 136 na Pilipino para makalabas ng Gaza Strip sa gitna nang lumalalang
karahasan dahil sa digmaan.
Ayaw umalis ng ilang mga Pilipinong nasa Gaza na hindi nila kasama ang kani-kanilang
Palestinian na asawa. Tanging foreigners lamang o ‘yung may hawak na foreign passports ang
pinayagan ng Israel na makalabas mula sa Gaza.
Samantala, ayon sa report ng Associated Press, umabot sa 335 mga tao na may foreign
passports, pati na 76 na injured ang pinayagang maka-evacuate nitong Miyerkules.
Umabot sa 79 U.S. citizens ang kasama sa mga nakalabas. Sinabi ng U.S. na sinisikap nilang
mailabas ang 400 pang mga Amerikano kasama ang kanilang pamilya.
Hindi pinapayagan ng Egypt ang Palestinian refugees, dahil natatakot ito na hindi na sila
payagan ng Israel na makabalik.
Pero may lumabas na online report kamakailan na nakikipag-negosasyon ang U.S. at isang
Arab country sa Egypt na tanggapin ang lahat ng Palestinian refugees sa bansa nito, kapalit
nang pagbura sa US$169.2 bilyon na utang nito sa World Bank at iba pang financial institutions.
Wala pa ring linaw kung ito ay totoo o tatanggapin ng Egypt.