Nasakote ng Quezon City Police ang anim na warehouse at delivery staff matapos mabuking sa pagnanakaw sa kanilang pinagtatrabahuang kumpanya sa Quezon City.
Ayon kay PLtCol. Resty Damaso, Station Commander ng Masambong Police Station (PS 2), inaresto ang anim na warehouse at delivery staff ng Optimum Prime Industrial.
Nakilala ang mga suspek na sina Wilfredo Datalio, 42-anyos, residente ng Sta. Maria, Bulacan; Dexter Bation, 29-anyos ng Heroes Del 96, Caloocan City; Zaldy Pajanusta, 36-anyos ng Brgy. Bungad, Quezon City; Rommel Camprecio, 32-anyos ng Brgy. 176, Caloocan City; Jason Carabaña, 45-anyos ng Brgy. 51, Tondo, Manila; at Jerome Obal, 22-anyos ng Brgy. 28, Caloocan City.
Nabatid na ang anim na inaresto ay nagtatrabaho bilang warehousemen, delivery drivers, at delivery helpers sa Optimum Prime Industrial Sales at inaresto noong Biyernes ng umaga matapos mabuking na nagsasabwatan sa nawawalang 13 kahon ng assorted construction materials na nagkakahalaga ng P65,800.00.
Nabuking sila sa kanilang kilos nang mapansin ng checker at lady guard on duty ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek.
Agad na ini-report ng dalawa sa PS2 ang nangyaring insidente at agad na hinuli.
Kinasuhan ang mga suspek ng Qualified Theft sa Quezon City Prosecutor’s Office