INIANUNSYO kamakailan ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers o Manibela na
magkakaroon nang tigil-pasada ngayon, Oktubre 16, sa buong Metro Manila.
Ayon kay Mar Valbuena, pangulo ng Manibela, nagdesisyon sila na magkaroon nang tigil-
pasada bilang protesta sa ipinipilit ng gobnyerno na pagsapi ng mga may prangkisa ng jeepney
sa kooperatiba o pagbuo nito ng hiwalay na kooperatiba, bago matapos ang 2023.
Ito ay alinsunod sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng
Administrasyong Marcos.
Sa ilalim ng PUVMP, uutang ng puhunan ang kooperatibo para makabili ng makabagong
jeepney o mini bus na pampasada bilang kapalit ng mga lumang jeepney.
Sinabi ni Valbuena na libu-libong tsuper ang sasali sa tigil-pasada, pati na drivers ng Transport
Network Vehicle Service, UV Express, at taxi.
Nilinaw ni Balvuena na bukas ang kanilang hanay sa isang katanggap-tanggap na kasunduan sa
gobyerno, na pwedeng magpabago ng kanilang plano.
Samantala, sinabi ng MMDA General Manager Procopio Lipana na halos walang epekto ang
tigil-pasada dahil kakaunti lamang daw ang mga lalahok dito.
Idinagdag pa niya na hindi na kailangang maglabas ang MMDA o Metropolitan Manila
Development Authority “free bus rides” para sa mga commuter, maliban na lamang kung lumaki
ang kakulangan ng public transport.
Naiulat na pitong grupo raw ng mga pumapasada ang hindi sasali sa tigil-pasada.
Sinabi naman ng Philippine National Police na magbibigay sila ng libreng sakay para sa mga
mananakay ngayong araw.