Kulong ang isang 34-anyos na hostage taker matapos na sumuko sa nagrespondeng Pasig Police makaraang palibutan ng mga otoridad nang pumasok sa isang bahay at i-hostahe ang isang limang taong gulang na paslit, Huwebes ng madaling araw sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni PCol. Celerino Sacro, Jr. hepe ng Pasig Police, nakilala ang suspek na si Alyas “Luigie”, residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City ang inaresto ng mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) sa pamumuno ni PCpt. Melvin Balbag, bandang 3:00 Huwebes ng madaling araw nang pumasok sa isang bahay sa Blk 22, Batok Street, Eusebio Avenue, Brgy. Pinagbuhatan at kunin ang bata.
Nabatid na hinahabol ang suspek ng mga residente sa lugar dahil inakusahang magnanakaw at para iligtas ang sarili ay pumasok sa bahay ng isang Mr. Edwin dala ang isang patalim saka hinablot ang bata.
Agad na nagresponde ang Pasig Police at nakumbinse ang suspek na sumuko.
Nakumpiska sa kanya ang 7.5 inches long na patalim.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig detention cell.