NABIGLA ang mga manonood nang sana’y pagtatanghal ng bandang Kamikaze matapos
ianunsyo ni Sorsogon Gov. Jose Edwin Hamor na pinauwi na niya ang banda at hindi na ito
magpi-perform nito sanang Linggo.
“Humihingi ako nang paumanhin, hindi na matutuloy ang Kamikaze, wala na tayong
magagawa, bayad ‘yun kaso may (bad) attitude,” saad ni Hamor sa stage, sa gabi nang
pagdiriwang ng pista sa Casiguran.
Ayon sa public information officer ng probinsya, nambastos diumano ang banda dahil
pumayag daw silang magpa-pictorial sa tourist spot ng bayan – ang 16,000 blue LED roses,
pero nang-indyan daw ang mga ito.
Hindi na raw makababalik sa Sorsogon ang Kamikaze, ayon kay Hamor.
Ayon sa ilang observers, malamang na ideklarang persona-non-grata ang Kamikaze dahil sa
ginawa nito.
“Maraming banda, maraming banda na gustong magpasaya sa atin pero kung ganun naman
‘yung ugali, pasensiyahan tayo… Inuulit ko, bayad ‘yun, kasi bago mag-perform sila dapat
bayad. Pero pinauwi ko na, hindi ko na patitirahin yun sa Residencia. Pinauwi ko na sa airport,
dun sila mag-umaga, okay?” dagdag pa ng governor.
“Inuulit ko, hindi puwedeng bastusin ang mga taga-Sorsogon. Pinipilit ko na itaas ang dignidad
ng bawat Sorsoganon, pero huwag ganun. Huwag ganun na tayo’y bastusin,” aniya pa.
Sa susunod na pista, dadalhin daw ng gobernador sina Sarah Geronimo at Vice Ganda.
Wala pang opisyal na pahayag ang Kamikaze sa insidente.