Nalambat na ang isa sa tatlong person of interest sa brutal na pagpatay sa isang Catholic school College teacher na kung saan ay tinadtad ng 16 na saksak para lang makuha ang kanyang cellphone sa naganap na umanoy panghoholdap, Miyerkules ng umaga sa Barangay San Pedro, Binalbagan, Negros Occidental.
Nakilala ang biktima na si Tony Lazaga, 51-anyos, residente ng Brgy. 35, Bacolod City, teacher ng Binalbagan Catholic College na natagpuan ng tricycle driver ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay sa Dumas St. Brgy. San Pedro, Binalbagan, Negros Occidental, umaga ng August. 16.
Ayon kay PCapt. Glen Portunes, Binalbagan deputy police chief, nagtamo ng 16 na saksak ang biktima at base sa imbestigasyon ay nawawalanang cellphone nito at naghinala na pangho-holdup ang motibo ng pagpatay.
Nabatid na dumalo ang biktima sa isang birthday celebration na posibleng doon na siya tinambamgan ng mga suspek habang pauwi na ito sa kanyang boarding house.
Nakita sa lugar ng pinangyarihan ang dalawang kitchen knives, duguang tsinelas at sirang payong at nakita rin ang dalawang bag ng biktima na naglalaman ng laptop at iba pang personal belongings.
Sa pagsisiyasat ng Binalbagan Police, isang suspek ang naaresto habang hina-hunting pa ang dalawang kasabwat na suspek sa pagpatay sa guro.
Ayon kay PMaj. Randy Babor, hepe ng Binalbagan, inaresto nila ang 19-anyos na si Johnrey Castino, habang dalawa pa ang pinaghahanap.
Umamin naman si Castino na hinoldap nila ang biktima nang ito ay pababa ng bus na kung saan ay nanlaban umano ang biktima at nagsisigaw kaya nagawang saksakin ng mga suspek.
Maging si Binalbagan Mayor Alejandro Mirasol ay kinokondena ang pagpatay kay Lazaga.
Ipinag-utos ng alkalde sa pulisya na lutasin agad ang karumal-dumal na krimen.