PINAG-AARALAN ng Department of National Defense (DND) noong Miyerkules ang posibilidad nang pag-i-escort ng barko ng US sa susunod na resupply mission sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal.
“Posible ito,” ayon kay Defense USec. Irineo C. Espino sa isang pagdinig sa Senado.
Titingnan daw nila ang lahat ng posibilidad at opsyon para sa resupply mission sa Philippine marines na nasa BRP Sierra Madre.
Samantala, tinanong ni Senador Raffy Tulfo ang posibilidad na sundin ang suhestiyon ni ex-Supreme Court Justice Antonio T. Carpio na nagsabing dapat mag-conduct ng joint patrols ang Maynila at US at hingin ang tulong ng Philippine Navy para maituloy ang oil exploration sa Reed Bank.
Sinabi ni Tulfo na kailangang pabilisin ang paghahanap ng langis at gas deposits sa Reed Bank dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng enerhiya pati na ang malapit na pagkaubos ng gas sa Malampaya.
Tinatayang mayroong 5.4 billion barrels ng langis at 55.1 trillion cubic feet ng natural gas sa Reed Bank, ayon sa ulat ng US Energy Information Administration noong 2013.