INALMAHAN ni Sen. Raffy Tulfo ang pagpapadala ng matataas na opisyal ng Armed Forces of the
Philippines (AFP) para mag-training sa China nang libre.
Isiniwalat Sen. Francis Tolentino at kinumpirma naman ni Usec. Ireneo Espino ng Department of
National Defense (DND) kahapon ang naturang training, sa pagdinig ng Committee on National
Defense na pinamumunuan ni Sen. Jinggoy Estrada.
Sinabi ni Tulfo na dapat itigil kaagad ang programang ito ng gobyerno.
“Malaking insulto ito sa atin! Kung iisipin na walang patid ang ginagawang pang-haharass at
pambubully ng Chinese military sa mga miyembro ng ating AFP sa West Philippine Sea,” saad ni
Tulfo.
Ang pinakahuling insidente ay nangyari noong Agosto 5 na kung saan binomba ng water canon ng
Chinese Coast Guard ang mga sundalo ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na
maghahatid lang sana ng supply sa mga tropa nila sa Ayungin Shoal.
Nauna pa rito, dinedma ng AFP ang panawagan ni Tulfo na baklasin na ang cellular tower ng isang
telecommunications company ng China sa isang kampo ng militar. “Ito ay maaring magamit ng
China para mag espiya sa mga ginagawa ng ating AFP,” ani Tulfo.
Ayon pa sa senador, may ilang kagamitang militar ang AFP, kasama na rito ang computer
hardware na nai-donate ng gobyerno ng China.
Isasapanganib natin ang seguridad ng bansa kung patuloy pang gagamitin ng AFP ang mga
kagamitan na donasyon ng gobyerno ng China.
Dahil dito, magpapasa si Tulfo ng senate resolution in-aid-of legislation para ito’y maimbestigahan at para tuluyan nang tuldukan ang pagpapadala ng ating mga sundalo sa China para mag-training.