PAG-UUSAPAN pa ng mga senador sa isang closed-door meeting kung itutuloy ang reklamo ng
bansa sa United Nations General Assembly (UNGA) laban sa mga pambu-bully ng China.
Napagdesisyunan ito ng Senado matapos ipahayag ni Senador at dating Foreign Affairs Secretary
Alan Peter Cayetano ang kanyang pagtutol.
Sa panukala ni Senador Risa Hontiveros, hinihimok nito ang Department of Foreign Affairs (DFA)
na mag-file ng resolution sa UNGA, na tatawag pansin sa China para tumigil na ito nang
harassment sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.
“Taking this to a vote before the United Nations, knowing the stakes, knowing who we are up
against, is us telling the Filipino people that we will not cower in fear, that we will fight for them,”
mariing pahayag ni Hontiveros sa kanyang speech sa plenaryo.
Sinusuportahan ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang resolusyon ni Hontiveros pero
ito’y kinontra ni Cayetano, na nagsilbing DFA secretary magmula 2017 at 2018.
Idiniin ni Cayetano na kahit solido sila sa pagkondena sa mga maling gawain ng China, dapat daw
pag-usapang mabuti ang panukala kung dapat nga itong dalhin sa UN.
“If we simply pass this resolution, tapon sa UNGA, madi-disappoint lang tayo. The UNGA is for
consensus. It is not for highly contentious issues similar to this… baka maging negative pa sa atin
ito later on,” aniya pa.
Ipinaliwanag ni Hontiveros kung bakit napapanahon at mahalaga ang kanyang resolusyon.
Nilinaw ni Zubiri kay Cayetano na, “Mahirap ang kumausap sa isang bansa na hindi naman matino.
You started with your speech by saying that – it was a phrase from the Bible. Unfortunately, our
friends from China do not believe in God nor do they believe in the Bible.”