VP Sara dinalaw ang 7 eskuwelahan sa Masbate

MATAPOS ANG MGA PAG-ATAKE NG NPA

0
Administrabong gawain ng mga guro, aalisin na, ayon kay VP Sara

BINISITA ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kahapon ang pitong eskuwelahan sa lalawigan ng Masbate na kamakailan lamang ay naging sentro ng mga balita dahil sa nadamay ang mga ito sa sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Dinalaw ni Duterte ang Palani Integrated School sa bayan ng Balud, Guindawahan Elementary School sa bayan ng Pio V. Corpuz, Locso-an Elementary School at Arriesgado Sevilleno High School sa bayan ng Placer, Villa Hermosa Elementary School at Villa Hermosa National High School sa bayan ng Cawayan, at ang Masbate Comprehensive National High School sa Masbate City.

Matatandaan na sinuspendi ang face-to-face classes matapos magkaroon ng engkuwentro ang mga sundalo at NPA malapit sa nabanggit na mga eskuwelahan.

Kaagad namang kinondena ng Pangalawang Pangulo ang NPA dahil sa pagkaantala ng mga klase sa nasabing mga paaralan at naapektuhan [sa sikolohikal] ang mga mag-aaral.

Binigyang-diin ni Duterte kung gaano kahalaga ang edukasyon para masugpo ang kahirapan.

Pinaalalahanan ni VP Sara ang mga estudyante sa Locso-on Elementary School sa munisipyo ng Placer na kaagad na maghanap ng mapagtataguan kapag nakarinig sila ng putukan.

Noong Marso 22, naging viral sa social media ang isang video kung saan makikita ang mga mag-aaral sa Locso-on Elementary School na natataranta, natatakot at nag-iiyakan matapos makarinig ng sunod-sunod na mga putukan mula sa magkabailang panig.

Nakipagpulong din ang Kalihim sa mga guro at nakinig sa kanilang mga ikinababahala at ang ilan sa mga ito ay karagdagang mga gusali, pagbabawas sa mga gawain ng mga guro, at paglalaan ng stress debriefing pagkatapos ng mga engkuwentro bilang tulong.

Namahagi rin ang Pangalawang Pangulo ng mga school supplies at dental kits sa 1,513 estudyante sa nabanggit na mga eskuwelahan bilang bahagi ng PagbaBAGo kits campaign ng ahensya.

Layunin ng PagbaBAGo campaign na ikintal sa mga batang mag-aaral ang kahalagahan ng edukasyon at tamang saloobin upang maging matagumpay sa buhay.

Sinimulan ni Duterte ang nasabing programa nang ito ay alkalde pa ng Davao City at ito ay regular ng bahagi sa kaniyang mga pagdalaw sa mga lungsod at bayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nakipag-usap din siya sa magulang ng mga kabataan at hinimok na maging responsable sa pagpapalaki ng kanilang mga anak at isagawa ang pagpaplano sa pamilya.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Jeanina Cababan, Head School Teacher ng Guindawahan Elementary School, sa ginawang pagbisita ni Duterte at sinabing siya pa lamang ang kauna-unahang national official at DepEd Secretary na dumalaw ng personal sa kanilang eskuwelahan at nakinig sa kanilang mga hinaing.  

“Salamat kaayo, ma’am Sara sa imong bisita. Sa kadaghan og eskwelahan diri sa Masbate, naapil jud sa imong pagbisita ang among eskwelahan. Lipay kaayo ming tanan kay ikaw ang kusa na niduol sa amoa, dili kay kami ang niduol sa imo. Very rare opportunity kaayo ni para sa amoa ug para sa atong mga learners. (Maraming salamat Ma’am Sara sa iyong pagdalaw. Sa dinami-dami ng mga paaralan dito sa Masbate, naisama nyo sa inyong pagbisita ang aming paaralan. Natutuwa kaming lahat dahil ikaw ang nagkusang lumapit sa amin sa halip na kami ang lumapit sa inyo. Bibihira lang po itong mangyari para sa ating mga mag-aaral”), ayon pa kay Cababan.

“Salamat na ang among mga tingog ug gipangayo sa imo, imong gipaminawan. Nagasalig mi na dili gyud mi nimo bigo-on mga teachers (Salamat at ang aming mga boses at hiniling sa inyo ay pinakinggan nyo. Nagtitiwala kami na hindi nyo kami bibiguin bilang mga guro), pagtatapos ni Cababan.

About Author

Show comments

Exit mobile version