ITO ang tinuran ni Pasig City mayoral candidate Ata Sarah Discaya matapos matalo sa katatapos na 2025 midterm elections at sinabing hindi man siya nanalo sa boto, panalo pa rin siya sa ibang paraan.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Discaya na dahil sa katatapos na halalan, marami ang nakakilala sa kaniya at marami din siyang nakilala lakip na ng bagong mga kaibigan.
“Sa bawat araw ng kampanya, sa bawat kanto at komunidad na aking pinuntahan—nariyan kayo. Kasama ko kayo sa paglalakad, sa pagdarasal, sa bawat ngiti at yakap na puno ng pag-asa. Kayo po ang naging lakas ko. Kayo ang dahilan kung bakit ako mas nakilala, mas minahal, at mas niyakap ng mas marami pang Pasigueño,” pahayag ni Discaya.
Batay sa huling tala, pumapangalawa si Discaya sa apat na kandidato na nakakuha ng 29,104 boto kumpara sa 345,375 boto ng mahigpit na katunggali na si Mayor Vico Sotto samantalang Cory Palma ay 302 at Eagle Ayaon naman ay 293 mga boto lamang.
“Panalo tayo sa dami ng bagong kaibigan. Panalo tayo sa pagkakaisa at malasakit sa isa’t isa. At panalo tayo dahil natupad natin ang pinakamahalagang layunin — ang makapaglingkod, makapagbigay ng pag-asa, at maipadama ang tunay na pagmamahal sa kapwa, kahit wala sa posisyon,” dagdag pa ni Ate Sarah.
Sa kabila ng naging resulta nangako si Discaya na ipagpapatuloy niya ang paglilingkod sa mga Pasigueñong nangangailangan ng tulong bilang isang pribadong individual.
Ayon pa kay Discaya, bilang isang negosyante at pilantropo, itutuloy niya ang taon-taon nang nasimulang outreach program at medical missions sa buong bansa sa pamamagitan ng St. Gerrard Charity Foundation.
“Hangga’t may pagkakataon, hangga’t may lakas—maglilingkod pa rin ako. Dahil ito ang panawagan ng puso ko,” pagtatapos ni Ate Sarah.