
INIULAT ng Eastern Police District (EPD) na nakapagtala ang distrito ng 7.37% na pagbaba ng krimen nitong nakaraang buwan ng Hunyo sa mga lungsod na nasasakupan nito.
Ayon sa ulat na inilabas ng Police Community Relations office ng EPD, resulta ito ng kanilang pagtalima sa “five-minute response time” na programang iniutos ng bagong talaga na hepe ng Philippine National Police na si General Nicolas Torre III.
Sinabi pa ng ulat na ang nasabing datus ay mula sa mga krimen may kaugnayan sa anti-illegal drugs, anti-criminality at mga operasyon sa iba’t iba pang kaso na isinagawa ng EPD.
Mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 30, 2025, ang katamtamang aberids ng buwanang krimen ay 18.85 na porsyento, isang kapansin-pansing pagbagsak mula 26.22 porsyento mula Mayo 1 hanggang Mayo 2025 na nangangahulugan ng 7.37% na kabawasan.
Ilan sa mga kapansin-pansing naisagawa ng distrito ay ang pagka-aresto sa 18 katao sa top most wanted, 27 katao na most wanted at 177 iba pang katao na pinaghahanap ng batas.
Kabilang din sa nasabing datus ay ang pagka-aresto sa 188 katao na sangkot sa ilegal na droga kung saan nakumpiska sa mga ito ang tinatayang P11,283,964 na halaga ng ipinagbabawal na gamot.
Pagdating naman sa ilegal na sugal, 119 katao ang arestado at pusta na umabot sa P17,921. Kumpiskado rin sa naarestong 8 indibidwal ang 10 iba’t ibang kalibre ng baril may kaugnayan sa ipinagbabawal na bentahan ng armas.
Ipinagmamalaki pa ng EPD na lahat ng ulat ng tagumpay na ito ay bunsod na rin ng kanilang walang humpay na operasyon at pagpapatupad ng batas, pinaigting na intelligence sharing, multi-sectoral partnerships at patuluyang pakikipagtulungan sa komunidad.
Ang EPD ay binubuo ng Pasig City, Mandaluyong City, Marikina City at San Juan City o mas kilala sa tawag na PaMaMariSan, mga lungsod na bumubuo sa silanganing bahagi ng Kalakhang Maynila.