Tserman sa Muntinlupa tinodas, riding-in-tandem pinatutugis ni Nartatez

0
Si NCRPO chief, Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr.

HINDI na umabot ng buhay sa Asian Hospital si Barangay Buli Chairman Ronaldo “Kaok” Loresca matapos itong pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin na riding-in-tandem sa Muntinlupa City, Miyerkules ng gabi.

Ayon sa ulat ng Muntinlupa City Police Station, pasado alas-10 ng gabi ng Mayo 22 ng paulanan ng bala si Loresca sa tapat ng Sole So Blessed Sneakers and Apparel sa kahabaan ng Manuel L. Quezon Street sa nasabing barangay.

Magka-angkas umano sa motorsiklo ang mga suspek na biglang huminto sa kinauupuan ng biktima at agad na pinaputukan, na ayon sa report, target lamang nito si tserman dahil hindi binaril ng mga ito ang kasama sa upuan at kaibigang si Domingo Rosell, 67-anyos na dating kagawad ng barangay.

Ayon kay Rosell, nakasuot umano ng “Joy Ride” t-shirt ang isang suspek at itim na damit naman ang isa pa na kapuwa tumakas sa direksyon ng Sucat.

Samantala, agad namang inutusan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr. na tugisin ang mga salarin na umutas sa buhay ni tserman Loresca.

Sa panayam ng mga mamamahayag na miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps, sinabi ni Nartatez, na kasama ito sa binigyang-diin niya sa kaniyang command visit kahapon sa mga miyembro ng Eastern Police District (EPD) sa Marikina Hotel and Convention Center.

“Hinimok ko ang EPD na huwag maging kampante sa pagsugpo sa mga iligal na gawain tulad ng droga at mga nangyayaring krimen sa kanilang area of responsibility,” ang pahayag ni Nartatez.

“Bunga nito, nagbigay ako ng direktiba sa district director ng Southern Police District, si Police Brigadier General Leon Victor Rosete, ganun din sa chief of police ng Muntinlupa City na gamitin ang lahat ng resources upang agad na makilala at mahuli ang mga salarin sa pagpaslang kay chairman Loresca,” dagdag pa ni Nartatez.

Sa nasabing command visit, pinasigla rin ng NCRPO chief ang district director ng EPD na si Police Brigadier General Wilson Asueta, na ipatupad ang mga programa ng Philippine National Police (PNP) sa National Capital Region (NCR).

“Marami kaming mga programa. May mga action plan din kami at performance review. Kaya kailangan naming rebyuhin ang mga nagawa namin ngayon taon kumpara sa nakaraang taon upang makapag-isip pa kami ng ibang programa at pasulungin pa ito,” giit pa ni Nartatez.

Sinabi pa ng NCRPO chief na tanging ang EPD lamang ang natatanging police district sa Metro Manila na may pinakamababang bilang ng index crimes.

“Ang totoo, ang crime solution efficiency ng EPD ay 99.5%, ibig sabihin halos lahat ng mga nangyayaring krimen sa kanilang area ay nareresolba.”

Sa kabila nito, inamin ni Nartatez na sa dami ng naninirahan sa Metro Manila, ang police-to-population ratio ay isang pulis lamang sa bawat 500 residente.

“Matindi ang pangangailangan natin sa puwersa ng kapulisan para mailatag natin ng maayos lalo na ang deployment ng mga pulis upang maging visible sila sa mga kalye sa Kamaynilaan,” pagtatapos ni Nartatez.

About Author

Show comments

Exit mobile version