Deployment ng 15K school principal OK na bago matapos ang 2025

0
Deployment ng 15K school principal OK na bago matapos ang 2025

TINIYAK ng Department of Education (DepEd) na maipapadala na ang kakulangang 15,000 school principals sa buong bansa bago matapos ang taong 2025.

Ito ang sinabi ng ahensya matapos mapag-alaman sa katatapos na Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na libo-libong eskuwelahan ang pinamumunuan ng mga teacher-in-charge (TIC) at officer-in-charge (OIC) lamang.

Sinabi pa ng DepEd na nakahanap na sila ng kwalipikadong mga guro para sa nasabing posisyon kasabay nito ang pag-iisyu ng karagdagang panuntunan at isinaalang-alang ang bagong update sa proseso ng hiring sa pampublikong mga paaralan.

“Ang kalidad ng edukasyon ay nakasalalay sa kalidad ng ating mga guro. Wala ring kabuluhan ang mga itatayo nating bagong mga silid-aralan kung wala naman ang pangunahing tauhan—ang mga guro, dahil sila ang pundasyon ng ating sistema sa edukasyon,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa nakaraang SONA nito.

Batay sa Year 2 report ng EDCOM II, 55% ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang walang principal kung saan inisa-isa ang mga dahilan kung bakit may ganitong kakulangan.

Ayon sa report, pangunahin na rito ay ang low passing rates para sa National Qualifying Examination for School Heads (NQESH), high personnel turnover, an insufficient pipeline of candidates, burdensome qualification processes, at absence of structured mentoring, coaching, at formal induction programs.

Kaya para matugunan ito, ide-deploy ng DepEd ang kasalukuyang 7,916 na mga gurong nakapasa sa NQESH noong 2024 para punan ang mga bakanteng posisyon.

Karagdagan pa, ipapatupad din ng ahensya na ibalik sa kani-kanilang eskuwelahan ang mga principal na kuwalipikado na upang hindi magkumpulan ang mga ito sa iisang paaralan.

Ipapatupad din ng DepEd ang Expanded Career Progression Policy, kung saan mare-reclassify na ang 14,761 Head Teachers (I-V) bilang School Principal I, samantalang 954 Head Teachers VI at Assistant School Principal II ay ipapasok sa retitling na School Principal I.

Sa prosesong ito, ang mga acting school heads ay ipa-prioritize bilang mga “on-stream candidates” upang matiyak na mabilis ang kanilang promotion tungo sa pagiging principal.

Idinagdag pa ng ahensya na dahil sa pagpapatupad nila ng School Organizational Structure and Staffing Standards (SOSSS), magiging 1:1 na ang principal-to-school ratio kung saan magkakaroon ng karagdagang 5,870 School Principal I na mga posisyon dahil sa inisyatibong ito.

About Author

Show comments

Exit mobile version