INIHATID mismo ng Land Transportation Office (LTO) at ipinamahagi ang 1,223 mga pampublikong plaka ng mga tricycle operator and drivers association (TODA) sa Marikina City kahapon, ang kauna-unahan sa buong Metro Manila.
Ang nasabing mga ‘yellow plates’ ay pamalit sa mga kasalukuyang ‘white plates’ na ginagamit ng mga tatlong gulong upang pagtalima sa sinasabi ng batas.
Ayon kay Atty. Alex Versoza, consultant ng LTO, matapos nilang simulan na habulin ang mga backlog sa license plate ng four-wheel vehicles, ito namang para sa mga tricycle ang kanilang isusunod.
“Kahit kasi may permit kayo sa LGU, napagkakamalan pa rin kayong colorum dahil putting plaka pa rin ang nakakabit sa inyong sasakyan,” ang paliwanag ni Versoza.
Sinabi pa niya na ang puting plaka ay ang inisyung plaka ng LTO nang binili ang mga motor bilang isang pribadong pagmamay-ari. Kaya nang ito ay ginamit na bilang pampublikong sasakyan, kailangan na itong palitan ng kulay dilaw kasabay ng permit mula sa lokal na pamahalan.
Nagpasalamat naman si Mayor Marcy Teodoro dahil aniya ang Marikina City ang kauna-unahang lungsod kung saan sinadya mismo ng LTO, ihatid at ipamahagi ang nasabing mga license plates.
Matatandaan na isa sa naging paksa nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr at Transportation Secretary Jaime Bautista ay ang may kaugnayan sa kung papaano sosolusyunan ang lomolobong kakulangan sa mga license plate na idinadaing ng mga motorista.
Sa ilalim ng pangunguna ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, kaagad na sinimulan ang paggawa sa mahigit 800,000 na mga four-wheel vehicle license plate bago matapos ang 2023.
Umaasa naman ang mga operator at driver ng tatlong gulong sa Marikina na tataas na ang kanilang kita sa pamamasada dahil mas mabilis nang malaman ng mga pasahero kung alin ang colorum at di colorum na mga tricycle.