Manyakis na ama sa Pasig arestado

0
Manyakis na ama sa Pasig arestado (Photo: Pasig PNP)

ARESTADO ang isang manyakis na ama na itinuturing na No. 2 most wanted person ng Eastern Police District (EPD), sa ikinasang Intensified Law Enforcement Operation (ILEO) ng Pasig City Police Station noong Enero 17, 2025 sa may Parian Creek, Brgy. Kapasigan.

Kinilala ni PCol. Villamor Tullao, hepe ng EPD, ang suspek na si Alyas “Ednel,” 34 taong gulang at kasalukuyang may kinakaharap na mga kaso kaugnay sa pagiging manyakis nito.

Ang unang kaso na ibinaba ni Hon. Rainelda Estacio-Montesa, Acting Presiding Judge ng RTC Branch 159 ng Pasig City ay Qualified Rape sa ilalim ng Article 266-B(1)  ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 5(a) ng RA 8369 at walang inirekomendang piyansa.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na mayroon pa palang isang warrant of arrest na inisyu ng parehong judge para sa kasong Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 366 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 5(b) ng RA 7610 at may piyansang P200,000.00.

Sinabi pa ni Tullao na ang nabanggit na mga kaso ay kapuwa nangyari sa bahay ng suspek sa Brgy. Kalawaan kung saan napag-alaman na parehong menor-de-edad ang dalawang mga biktima at sinabing paulit-ulit silang inaabuso ng kanila mismong ama.

“Sa ngayon, ang hustisya ay malapit nang makamit ng mga biktima at hahayaan nating umiral ang batas ukol dito. Kaya hinihimok ko ang ating pulisya na paigtingin pa ang kampanya para madakip ang mga wanted persons sa aming area of responsibility,” saad pa ni Tullao.

Pansamantalang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Pasig City Police Station habang hinihintay ang utos ng korte.

About Author

Show comments

Exit mobile version