Rider na walang helmet, nahulihan ng bala sa Caloocan City

0

Nahulihan ng mga bala ng mga otoridad ang isang rider na nasitang walang suot na helmet, kamakalawa sa Caloocan City.

Batay sa report ng Caloocan Police, nagsagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 sa kahabaan ng Malolos Avenue, Brgy., 146, nang parahin nila ang suspek na si alyas “Bim” dahil wala itong suot na helmet habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo.

Gayunman, imbes na huminto, tinangka pang tumakas ng suspek at pinaharurot ang minamanehong motorsiklo subalit, naharang siya ng mga otoridad na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Nang kapkapan ang rider, nakumpiska sa kanya ang 50 pirasong bala ng kalibre .45 at anim na pirasong bala ng kalibre .9mm.

Maliban sa paglabag sa RA 10054 o ang Motorcycle Helmet Act, sinampahan din ang suspek ng kasong paglabag sa Art. 151 ng Revised Penal Code o ang Resistance and Disobedience at Sec. 28 ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms ang Ammunitions Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

About Author

Show comments

Exit mobile version