BUMAGSAK sa kamay ng Tanay Pulis ang isa sa tinaguriang notoryus na carnapper ng motorsiklo sa lalawigan ng Rizal matapos mahuli at marekober ang tinangay na motorsiklo sa kahabaan ng Brgy. Tandang Kutyo, Tanay, Rizal, ika-5 ng Nobyembre 2024.
Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun, Rizal Provincial Director, ang suspek na si alyas “Japeng,” 25-taong gulang at positibong itinuro ng mga biktima na nasa likod ng serye ng nakawan ng motorsiklo sa Cainta, Rizal.
Ayon sa imbestigason, dakong ala-1:15 ng hapon ng Nobyembre 5, 2024, ipinarada ng biktima ang kaniyang motorsiklo na isang Yamaha Mio Sporty sa harap ng kanyang pinagtatrabahuhan ngunit nadiskubre niyang nawawala ito bandang alas-3 ng hapon sa araw ding iyon.
Kasunod nito, bandang alas-7 ng gabi, nang binabaybay ng mga saksi (anak ng biktima) ang Manila East Road sa Barangay Tandang Kutyo, Tanay na patungo sa direksyon ng bayan ng Pililla, nang mapansin ang nawawalang motorsiklo ng kanyang ama na minamaneho ng suspek.
Kaagad nilang sinita ang suspek at tinanong kung bakit nasa kaniya ang motorsiklo ng kanyang ama ngunit agad na tumakas ang suspek.
Sinabi pa sa ulat na dahil sa mabagal ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar kung kaya naabutan ito ng mga biktima na kaagad namang nakita ang kaguluhan ng mga nagrorondang pulis.
Naaresto ang suspek at nabawi ang nakaw na motorsiklo at ilang sari-saring susi na ginagamit ng suspek sa kaniyang mga aktibidad sa carnapping.
Samantala, sa isinagawang follow-up investigation ng mga tauhan ng Tanay Municipal Police Station, lumilitaw na ang naarestong suspek ay may standing warrant of arrest na sa kasong carnapping sa Cainta, Rizal.
Inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa naarestong na suspek habang ito ay nakakulong sa custodial facility ng Tanay MPS.