Higit ₱7-M halaga ng marijuana, nasamsam sa mag-jowa sa Mandaluyong City

0
Labing-isang canisters na naglalaman ng high-grade marijuana na tumitimbang na humigit-kumulang 5 kilo na tinatayang may street value na aabot sa P7.5-M

NASAMSAM ng mga otoridad mula sa mag-jowa ang higit sa P7 milyong na high-grade marijuana (kush) sa isang drug buy-bust operation sa Mandaluyong City, Lunes ng umaga.

Kinilala ni PCol. Villamor Tuliao, District Director ng Eastern Police District (EPD) ang mga suspek na sina John Fitz Jerard Salazar at nobya nitong si Alison Mae Reyes at naaresto sa apartment ng mga ito sa Barangay Plainview sa nasabing lungsod.

Sa pinagsanib-puwersang operasyon ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng EPD at Mandaluyong City Police Station kasama ang DEU ng Marikina City, nahuli ang dalawa dakong alas-9:30 ng gabi gamit ang P50,000 buy-bust money.

Nasamsam mula sa dalawang suspek ang labing-isang canisters na naglalaman ng high-grade marijuana na tumitimbang na humigit-kumulang 5 kilo na tinatayang may street value na aabot sa P7.5-M.

“Ang operasyon na ito ay patunay lamang na seryoso tayo sa PaMaMariSan (Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan) para linisin ang ating komunidad laban sa ilegal na droga,” ayon kay EPD officer-in-charge na si Police Colonel Villamor Tuliao.

Ayon pa sa ulat, patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para sa ikadadakip ng mga kasamahan ng dalawa.

“By working side by side, napahinto natin ang distribusyon ng ipinagbabawal na gamot sa ating komunidad kaya makakaasa kayo na gagawin natin ang ating makakaya upang maging ligtas ang ating lugar,” dagdag pa ni Tuliao.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Mandaluyong City Police Station custodial facility at sasampahan ng patong-patung na mga kaso dahil sa mga paglabag sa Republic Act 9165 ang ang Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.

Hinihimok din ni Tuliao ang komunidad na ipagbigay alam agad sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang mga gawain sa komunidad at lumapit kaagad sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.

“Napakahalaga ng partisipasyon ng mamamayan sa pagsugpo hindi lamang sa kriminalidad kundi lalo na sa iligal na droga. Kaya sama-sama tayo sa laban na ito upang gawing ligtas ang ating komunidad para sa ating mga anak at pamilya,” pagtatapos ni Tuliao.

About Author

Show comments

Exit mobile version