DISMAYADO ang Social Watch Philippines (SWP), isang anti-tobacco advocacy group, kina Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ng Department of Agriculture (DA) nang dumalo ang mga ito sa pagpapasinaya ng Philip Morris International (PMI) sa kanilang “smoke-free” na mga produkto kamakailan sa Tanauan, Batangas.
Ayon sa SWP, hindi na lingid sa kaalaman ng lahat na mas inuuna ng industriya ng tabako ang kita-pinansiyal kaysa sa kalusugan ng publiko kung saan ang mga produkto nito ay nagdudulot ng matinding pinsala, adiksyon at kamatayan sa mga gumagamit nito.
Ang pagdalo ng Unang Ginang at Kalihim ng Pagsasaka ay nagpapakita lamang na sinusuportahan ng mga ito ang industriya na nakakapinsala sa kalusugan at nagpapahirap sa mga maysakit dulot ng paninigarilyo.
Sinabi pa ng anti-tobacco group na hindi anila dapat irekomenda ang sinasabi nilang “smoke-free” na mga produkto na umano’y “quitting aids” para sa mga naninigarilyo samantalang mayroon naman nang Nicotine Replacement Theraphy na napatunayang ligtas.
Iniugnay ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang e-cigarettes na nagdudulot ng medical condition na kilala bilang E-cigarette or Vaping Use-Associated Lung Injury o EVALI.
Batay sa mga pag-aaral, ang EVALI ay isang seryosong sakit sa baga at kakikitaan ng sintomas tulad ng kapos sa paghinga, ubo, pananakit ng sikmura at pananakit ng dibdib.
Iniulat ng Philippine College of Chest Physicians noong Disyembre 2023 na may anim na kumpirmadong kaso ng EVALI sa bansa mula Abril hanggang Hulyo 2023 lamang.
Ikinalulungkot ng SWP na mas pinili ng Unang Ginang Liza Marcos at Secretary Laurel na hindi paniwalaan ang siyensya na nagpapatunay na may negatibong epekto sa kalusugan ng mga Pilipino ang “smoke-free” na mga produkto ng PMI.
Sa inilabas na 2021 Global Adult Tobacco Survey, may 2.1% na nasa edad 15 pataas, ang kasalukuyang gumagamit ng e-cigarettes, samantalang 0.1% ang kasalukuyang gumagamit ng sigarilyo.
Samantala, isa sa bawat pitong Pilipinong estudyante edad 13 hanggang 15 ang naninigarilyo batay sa inilabas na Global Tobacco Youth Survey noong 2019.
Pinaalalahanan pa ng SWP si Laurel na hindi nito dapat ikompromiso ang WHO Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) Article 5.3 at Joint Memorandum Circular No. 1 of 2010 (JMC), kung saan malinaw na isinasaad dito na ang mga opisyal ng pamahalaan ay dapat umiwas sa pakikipag-ugnayan sa industriya ng tabako, maliban na lamang kung kailangan ito sa regulasyon.
Karagdagan pa, nakikiusap ang SWP sa Unang Ginang at iba pang opisyal ng pamahalaan na iwasan ang pagpapakita ng suporta sa industriya ng tabako, sa anumang paraan.
Sa halip, dapat anilang magpakita ng suporta ang Unang Ginang sa pagpapaigting sa implementasyon ng mga batas kaugnay sa proteksyon sa kalusugan ng publiko at pangunahin ang interes ng ating bansa.
Ang Social Watch Philippines ay miyembro ng Philippine Smoke-Free Movement (PSFM) na may 100-miyembro na grupo at nagtataguyod ng isang smoke-free at vape-free na kapaligiran.