MALAPIT nang mapapanood at mapapakinggang-muli sa mga streaming platforms ang sikat na kantang ‘Selos’ ng Queen of Bangsamoro Pop na si Shaira Moro.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Shaira na nagkaroon na ng maayos na usapan ang kanilang kampo sa Australian singer-songwriter na si Lenka.
Matatandaan na biglang inalis nitong Marso sa mga streaming platforms ang nasabing kanta matapos na malaman ng kampo ni Lenka na hango sa kaniyang awit na “Trouble is a Friend” ang tono at melodya ng Selos.
Agad namang inamin ng AHS Channel, ang record label ni Shaira, na totoo nga ang akusasyon bagay na inako at humingi rin agad ng paumanhin ang mang-aawit sa kaniyang mga tagasubaybay.
Sinabi noon ni Lenka na nagsagawa na ng legal na aksyon ang kaniyang team laban kay Shaira tungkol sa isyu ng copyright infringement.
Ayon sa kampo ni Shaira nakipag-ugnayan na ang AHS Channel sa Australian singer at ayon sa kanilang huling negosasyon, pinahintulutan na si Shaira at na malapit nang mai-enjoy muli ng kaniyang mga taga-hanga ang nasabing awitin.
“Sa katunayan, naging mahinahon at mapayapa ang pag-uusap namin ng kampo ni Lenka at nauwi ito sa pagkakaroon ng kasunduan hingil sa pamamaraan na muling paglabas ng kanta sa mga online streaming platforms,” ang pahayag ni Shaira.
“At ngayon nga, nais kong ihayag sa inyong lahat na malapit na po namin ibalik sa mga streaming platforms ang kantang ‘Selos’ kasabay na rin po ng ibang kanta ng aming produksyon,” dagdag pa ng mang-aawit.
Matapos ang kontrobersyang ito, tinanggap ng mga tagasuporta ng Bangsamoro singer ang kanilang paliwanag kung bakit nila ito nagawa at hindi rin iniwan ng mga netizen ang sikat na mang-aawit.
Sa katunayan, dumami pa ang mga opurtunidad na dumating kay Shaira katulad ng mga product endorsement at guesting sa iba’t ibang bahagi ng bansa.