INIHAYAG ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero De Vera III na naresolba na ang isyu sa pagitan ng Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at mga lider estudyante kaugnay sa isyu ng sapilitang pagpapagupit ng mga estudyanteng transgender.
Ang usapin ay nag-ugat sa video na naging viral kung saan ang isang estudyanteng transgender ay pilit na ginugupitan ng kaniyan gkapuwa estudyante bilang pagsunod sa kahilingan ng EARIST na kailangang hanggang balikat lamang ang gupit ng sinumang nagnanais na magpa-enroll.
“Nagsaayos kami ng pakikipag-usap sa pagitan ng pamunuan ng EARIST sa pangunguna ng president nito na si Rogelio Mamaraldo at mga estudyante sa pangunguna naman ni Red Riotoc ng ‘Bahaghari EARIST’ upang malutas ang nasabing problema,” ayon kay De Vera.
Sa naganap na miting sa CHED head office sa Quezon City Biyernes ng hapon, ang dalawang partido ay nagkasundo na maaari nang magpa-enroll ang lahat ng estudyante sa unibersidad anuman ang haba ng kanilang buhok.
Ipagpapaliban muna ng EARIST ang pagpapatupad ng isang probisyon sa kanilang student handbook may kinalaman sa gupit at iba pang patakaran kung saan kailangan munang konsultahin ang mga estudyante upang magkaroon ng mapagkakasunduang panuntunan bago isumite sa Board of Regents ng eskuwelahan.
“Sa bahagi ng CHED, ang aming papel ay pagtagpuin ang dalawang grupo at anuman ang mapag-usapan, kami ay tutulong sa ikatatagumpay ng usapin,” dagdag pa ni De Vera.