NALAMBAT ng Malabon Police ang isa sa dalawang suking kawatan na nanloloob sa mga vape shop sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Bingbong”, 25-anyos, residente ng Brgy. Malinta, Valenzuela City.
Nakatakbo naman ang kasabwat nito sa pambibiktima ng vape shop kaya siya lang ang nahuli.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg. Bengie Nalogoc at P/SSg. Michael Oben, bandang 1:30 ng madaling araw nang puwersahang pinasok ng dalawang suspek ang rolled-up door, gamit ang dala nilang pangwasak sa padlock.
Nilooban ang 5R Vape Shop sa 102 M.H. Del Pilar St. Brgy. Tugatog na pag-aari ng negosyanteng si Regina Rigor.
Isang testigong si Jonathan Estabillo, 27-anyos ang nakarinig ng ingay sa lugar kaya agad na itinawag sa pulisya ang nagaganap na nakawan.
Patakas na sakay ng kani-kanilang bisikleta ang dalawang kawatan, tangay ang 16 na piraso ng disposable vape na nagkakahalaga ng P7,200.00, nang dumating sina P/Cpl. Federico Penida, Jr. at Pat. Cris Meredores ng Police Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakadakip kay ‘Bingbong’.
Nakuha sa suspek ang isang patalim, backpack na naglalaman ng tinangay nilang disposable vape, 2 burglar’s tools, plier, steel bar, ATM card at sirang padlock, pati na ang dalawang bisikleta na gamit nila sa pagtakas.
Patuloy ang imbestigasyon at paghuli sa nakatakas na suspek na kung saan talamak na tirador ng vape shop ang magkasabwat.
Nanawagan naman ang Malabon Police sa ilang establisimiento na posibleng ninakawan din ng mga kawatan upang kilalanin ang nadakip na nakadetine ngayon sa custodial facility ng Malabon Police Station at magsampa ng kaso.