NASABAT ng pulisya ang mahigit P.1 milyong halaga ng droga sa limang drug suspek matapos matiklo sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas at Malabon City
Sa report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Genere Sanchez ang buy bust operation kontra kay ‘Dudoy’, 21, matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa illegal drug activities nito.
Nang tanggapin ni ‘Dudoy’ ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama sina alyas “”JM”, 19, at “Ricky”, 50, tricycle driver dakong ala-1:57 ng madaling araw sa Badeo 4 St., Brgy. San Roque.
Ayon kay PSSg Flosine-Mar Nebre, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 7.71 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P52,428.00 at buy bust money.
Sa Malabon, nabingwit naman ng mga operatiba ng SEDU ng Malabon police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Mark Xyrus Santos sa buy bust operation bandang alas-11:30 ng gabi sa Gozon Compound, Brgy. Tonsuya si alyas ‘Daysun’, 42, babae at kanyang kasabwat na si “Andrew”, 29.
Ayon kay PSSG Kenneth Geronimo, nakuha ang humigi’t kumulang 10.2 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P69,360 at isang P500 bill na ginamit bilang buy bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.