ISANG panukalang batas na naglalayong palawakin pa ang pagtuklas at pagsulong ng mga makabagong gamot ang inihain sa Kamara.
Inaprubahan nitong Peb. 28 sa committee level, ang House Bill (HB) No. 9867 sa pangunguna ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., chair, House Committee on Health.
Ang HB No. 9867 o Pharmaceutical Innovation Act ay naglalayung masusing pag-aralan ang kasalukuyang regulasyon sa clinical trial actrivities para makalikha ng mga makabago at maraming uri ng mga gamot.
Ayon kay Gato, kailangang ng bansa ang maraming uri ng makabagong mga gamot, dahil dito, kailangang baguhin ang kasalukuyang clinical trial system at ang pagtatayo ng pahatiran o hub para sa research and development.
Sinabi ni Speaker Martin Romualdez, ang pangunahing awtor ng bill, na malaki ang maitutulong ng clinical trials para mapahusay at maging ligtas ang pagsasaliksik sa mga bagong gamot.
Ayon pa sa Speaker, mayroon lamang isa sa 166 makabago o innovative medicines ang naidagdag sa Philippine National Formulary magmula pa noong 2014.
Sinabi ni Dr. Diana Edralin, pangulo, Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines, na nahaharap ang clinical trials sa maraming hamon na labis na nakaapekto sa pagkakaroon ng mga makabagong gamot.
“The bill holds potential to address these (challenges), positioning the Philippines as the center of clinical trials in the region,” ani Edralin.