Nasakote ng mga awtoridad ang tatlong drug suspects sa isinagawang buy bust operation kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Kinilala ni P/Major Jeraldson Rivera, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) ang mga suspek na sina alyas “Jonathan”, 21-anyos, isang tattoo artist, “Loyd’, 20-anyos, isang construction worker at “Justin”, 20-anyos, na isang estudyante.
Batay sa ulat, ikinasa ang operasyon laban kay alyas “Jonathan” bandang 12:20 ng madaling araw sa Bayanihan St., Brgy. 159, Baesa, matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagbebenta umano nito ng marijuana.
Nang tanggapin ng suspek ang markadong salapi mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, agad siyang dinakip ng mga operatiba, kasama ang dalawang pang suspek.
Nakuha mula sa mga ito ang nasa 25 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng ₱3,000, buy bust money, isang improvised gun na may isang bala ng cal. 357, patalim, tatlong plastic container na may laman na lupa at mga buto ng marijuana, at isang plastic container na may tanim na marijuana.
Kinasuhan na ang tatlo ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, at Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act.