KAPAG naisabatas na ang House Bill (HB) No. 9870, bawat subdibisyon at housing projects ay kailangang maglagay ng lugar para sa ICT.
Nakapasa na sa Kamara sa ikalawang pagbasa, ang requirement para sa ICT o Information and Communication Technology infrastructure.
Naaprubahan na sa plenaryo nitong Peb. 19 sa pamamagitan ng voice voting ang HB no. 9870 o ang “Housing Development Digital Connectivity Act”.
Para matiyak ang digital connectivity sa mga urbanisadong lugar, ang panukala ay mag-uutos na maglagay ng open space para sa ICT infrastructure, sa housing projects, subdivisions, villages, o residential properties.
Inaamyendahan nito ang Presidential Decree No. 957, na nag-uutos sa developers na maglagay ng 30 percent para open space para sa parks, playgrounds at lugar ng paglilibang.
Ang lugar para sa ICT ay hindi dapat kunin sa 30 percent na iniuutos ng PD No. 957. Ito rin ay hindi dapat ekslusibo, kaya lahat ng nakatira rito ay makagagamit ng pasilidad.