ISA sa mga dahilan kung bakit sumikat nang husto sa bansa sina Sandara “Dara” Park at Ryan Bang ay dahil naging mahusay silang magsalita ng Tagalog.
Kung patuloy na mapapahusay ni Park Hyung-sik ang kanyang pananagalog, magiging kasing-sikat din siya ni Dara.
Sa “SIKcret Time in Manila: Park Hyung-sik’s 2024 Asia Tour Fan Meeting” na ginanap sa Smart Araneta Coliseum nitong Peb. 17, mabilis na nabigkas ni Park ang mga salitang “maraming salamat po” “mahal kita,” “nakakaloka,” “ano ba ‘yan?” “keri,” “kaya,” atbp.
Si Park ang bida sa Korean drama series na “Doctor Slump”. Ipinanganak siya noong 1991 sa Yongin, Gyeonggi, South Korea. Miyembro ng board of directors ng BMW Korea ang kanyang ama, samantalang isang piano teacher ang kanyang ina.
Mabilis na sumikat si Park dahil sa kanyang acting talent sa ilang sikat na TV projects at pag-awit kasama ang K-pop band na ZE:A, na nagsimula noong 2012.
Samantala, sa fan meeting, patuloy na nag-promote si Park ng ongoing series na “Doctor Slump”. Kakaiba ang kwento nito dahil ang istorya ay tungkol sa mga hamon kaugnay ng mental health.
Katambal niya rito si Park Shin-hye. Una silang nagkasama sa TV series na “The Heirs” o “The Inheritors”. Starring dito sina Lee Min-ho, Park Shin-hye, at Kim Woo-bin; ito’y sa panulat ni Kim Eun-sook.