NALAMBAT ng mga tauhan ng Taytay Municipal Police Station ang isang suspek na tumangay ng motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Sitio Batasin 1, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni PCol. Felipe Maraggun, Rizal Police Provincial Office (RPPO) Director, nakilala ang biktima na si Alyas Freeman, 47-anyos, residente ng Taytay, Rizal.
Ayon sa biktima, iniwan niya ang kanyang Kawasaki Fury motor sa labas ng kanilang bahay bandang 6:00 Linggo ng gabi at kinabukasan ay napansin niya na wala na sa pinagparkingan ang kanyang motorskilo.
Humingi ng tulong ang biktima at ini-report sa kanilang barangay na kung saan nakita sa CCTV footage ang suspek na si Alyas Jenard, 26-anyos, ang nakita na kumuha ng motorsiklo.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang Taytay Police na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek
Kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law Act of 2016 ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa Taytay detention cell.
Samantala, pinuri naman ni PCol. Maraggun ang agaran at matagumpay na pagkakaaresto sa suspek na isa lamang sa magandang resulta ng walang kapagurang pagseserbisyo at pagtutulungan ng mga kapulisan para sa pagkakaroon ng mapayapang probinsya.