MAKAHAYOP!
Ganito inilarawan ni Senador Jinggoy Estrada, chair, Committee on Labor Committee,
ang ilegal na gawain ng International Solid Waste Integrated Management Specialist
Inc. (I-SWIMS).
Dahil dito, nais niyang ma-imbestigahan ang umano’y mga paglabag sa batas ng naturang kumpanya na naghahakot ng basura sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.
Inihain ni Estrada ang Senate Resolution No. 914 na naglalayong magsagawa ng isang
pagsisiyasat, in aid of legislation, sa iniulat na hindi makataong gawain.
Hindi raw nagbibigay ng proteksyon at nararapat na benepisyo sa mga basurero ang nasabing kumpanya, na malinaw na paglabag sa mga umiiral na batas sa paggawa sa
bansa.
“Nakakabahala ang sitwasyon ng mga basurero ng I-SWIMS… dapat maimbestigahan
ang kanilang umano’y paglabag sa batas paggawa para matiyak na hindi sila napapagsamantalahan. Karapatan ng mga manggagawa na mabigyan ng patas na
pagtrato, proteksyon, at benepisyo ayon sa ipinag-uutos ng batas,” ani Estrada.
Batay sa mga reklamong inihain ng mahigit sa 70 na basurero kay Estrada, sa loob ng halos apat na taon nilang paninilbihan sa kumpanya, sila ay itinuturing lamang na
“volunteers” ngunit pinagpagtrabaho nang hindi bababa sa 18 oras araw-araw o mula
5:00 a.m. hanggang 11:00 p.m.
Ayon pa sa mga basurero, sila ay tumatanggap lamang ng ₱250 hanggang ₱300 kada
araw, o mas mababa sa itinakdang rate na ₱573 hanggang ₱610 para sa mga
manggagawa sa NCR.
Sa kabila ng mahabang oras ng trabaho, sinabi nila na hindi sila binabayaran ng
overtime pay at night shift differential, walang day-off, at kailangan pa ring
magtrabaho sa holidays nang walang holiday pay.
Hindi rin sila binibigyan ng social protection benefits, katulad ng coverage ng Social
Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Home
Development Mutual Fund (PagIBIG Fund).
“Ayon pa sa kanila, may ilang tagakolekta ng basura ang namatay na dahil sa sakit
‘tulad ng leptospirosis, at hindi nagbibigay ang kumpanya ng anumang tulong para sa
pinsala, sakit, o kamatayan,” sabi ni Estrada.
“Ang mga ito ay pag-iwas sa pagtalima sa mga batas, partikular na ang Labor Code,
para sa mga basurero na mahalaga ang serbisyo at operasyon ng kumpanya,” aniya pa.