Kinasuhan ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., ang vlogger na si retired AFP Gen. Johnny Lacsaman Macanas Sr., na nagdawit sa kaniyang pangalan kaugnay sa sinasabing destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinumpirma ito ni PNP PIO Chief Col. Jean Fajardo, kasabay nang paggiit na walang katotohanan ang mga sinabi ni Macanas na suportado ng PNP Chief ang tangkang distabilisasyon laban sa kasalukuyang administrasyon.
Una na aniyang sinabi ni Gen. Acorda na hindi nito palalampasin ang pagpapakalat ng maling impormasyon, kaya’t agad itong kumilos at nagtungo sa Quezon City Prosecutors Office upang sampahan si macanas ng kasong paglabag sa article 154 ng Revised Penal Code o Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances in Relation to Anticybercrime Law.
Dagdag pa ni Col. Fajardo, nanawagan din si Gen. Acorda na respetuhin ang uniporme ng PNP at huwag nang idamay sa isyu ng planong destabilization plot laban sa Pangulo.